Lunar orbiter ng South Korea, nagpadala ng mga larawan ng Buwan at Mundo
Nagpadala ng black-and-white na mga larawan ng ibabaw ng Mundo at Buwan, ang kauna-unahang lunar orbiter ng South Korea na Danuri.
Ang Danuri, pinagsamang salita sa Korea na ang kahulugan ay “Moon” at “enjoy,” ay inilunsad sa isang SpaceX rocket mula sa United States noong Agosto 2022 at pumasok sa lunar orbit noong nakaraang buwan.
Ayon sa pahayag ng Korea Aerospace Research Institute (KARI), ang mga larawan na kinunan sa pagitan ng Disyembre 24 at Enero 1, ay nagpapakita ng lunar surface at ng Mundo, at kinunan mula sa wala pang 120 kilometro (75 milya) sa ibabaw ng Buwan.
Sinabi ng KARI, “The images and videos will be used to select potential sites for a Moon landing in 2032. Danuri is circling the Moon every two hours.”
Sisimulan ng orbiter ang kaniyang scientific mission sa susunod na buwan, na kapapalooban ng pagma-map at pag-analisa sa lunar terrain, at pagsukat sa magnetic strength at gamma rays.
Susubukin din nito ang experimental “space internet” technology, sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga larawan at videos sa Mundo.
Ayon kay South Korean President Yoon Suk-yeol, “Danuri’s achievements is a ‘historical moment’ in the country’s space programme.”
Ang South Korea ay naglatag ng maambisyosong mga plano para sa kalawakan, kabilang na ang paglapag ng isang spacecraft sa Buwan pagdating ng 2032 at sa Mars pagdating ng 2045.
© Agence France-Presse