M/V Amazing Grace ng Philippine Red Cross, naglayag patungong Catanduanes
Ipinadala na ng Philippine Red Cross (PRC) ang M/V Amazing Grace sa Catanduanes, upang maghatid ng mga relief goods at magbigay ng tulong sa mga kababayan nating nasalanta ng mga nagdaang bagyo.
Pinangunahan ni PRC Chairman aT CEO Senator Richard J. Gordon, kasama sina PRC Secretary General Elizabeth Zaballa at PRC Asst. Secretary General Ramon Murillo ang send-off ceremony, na isinagawa sa Subic Dock sa loob ng Subic Bay Freeport Zone.
Ayon kay Senator Gordon, ang Philippine Red Cross ay laging handang tumulong at magbigay ng pag-asa sa lahat ng mga Pilipinong nasalanta ng ibat-ibang kalamidad.
Dagdag pa ng Senador, ang M/V Amazing Grace ang kauna-unahang humanitarian vessel na ipinadala na gobyerno at naglalaman ito ng mga non-food items gaya ng hygiene kits, mga kumot, sleeping mats, kulambo, 10L at 20L na jerry cans, mga yero, kitchen sets at iba pa na magagamit para sa agarang rehabilitasyon sa lugar.
Kasama rin dito ang ilang mini vans at willy jeep, nakakatulungin naman sa pamamahagi ng mga nasabing serbisyo.
Inisa-isa rin ni Sen. Gordon ang mga gagawin pa ng PRC sa lahat ng mga lugar na nasalanta ng sunod sunod na malalakas na bagyo gaya ng Bagyong Rolly at Ulysses.
Bukod sa relief goods, pagkain at mga damit, mas higit aniyang kailangan ng mga mamamayan sa Catanduanes ang mga kagamitan sa pagsasayos ng kanilang mga bahay at kabuhayan.
Samantala, patuloy din ang ilang mga rescue operations sa mga lugar na lubog pa rin sa baha dulot ng magdaang mga bagyo.
Ulat ni Sandy Pajarillo