Maayos na lagay ng buhay at kabuhayan ng bansa, nais ipamana ni PRRD sa bagong mahahalal na Pangulo
Pipilitin ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa nalalabing apat na buwan niya sa puwesto ay maiayos ang buhay at kabuhayan ng bansa.
Sinabi ng Pangulo kung magtutuloy-tuloy ang magandang resulta ng laban ng pamahalaan sa Pandemya ng COVID-19 at tuluyang magbubukas ang mga nagsarang negosyo at maaari pang maibangon ang ekonomiya ng bansa hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino sa Hunyo 30.
Ayon sa Pangulo, ngayong isasailalim na sa Alert Level 1 ang National Capital Region kasama ang 38 iba pang lugar sa bansa, muling sisigla ang ekonomiya sa pagpasok ng second quarter ng taon.
Inihayag ng Pangulo na malaking factor ang anti-COVID 19 vaccination program ng pamahalaan kaya patuloy na bumababa ang kaso ng Coronavirus.
Niliwanag ng Pangulo na malaki rin ang potensiyal na makabangon ang ekonomiya ng bansa batay sa pagtaya ng international economic rating organization kung saan nananatili sa triple B ang grado ng Pilipinas ayon sa Fitch rating na makakaengganyo sa mga investor na maglagak ng kanilang puhunan sa bansa na inaasaang makalilikha ng dagdag na trabaho.
Pinasalamatan din ng Pangulo ang publiko sa pananatili ng kanyang mataas na trust at satisfaction rating kahit patapos na ang kaniyang termino.
Vic Somintac