Mabagal na implementasyon ng National ID, paiimbestigahan ng Senado
Paiimbestigahan ni Senate President Vicente Sotto III sa pagbabalik ng sesyon sa Mayo ang kabagalan ng mga ahensya ng gobyerno sa implementasyon ng National Identification System.
Sa harap ito ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi na hindi pa rin maayos ang implementasyon ng Social Amelioration program o pagbibigay ng tulong pinansyal para sa mga mahihirap na apektado ng Covid-19 dahil sa kakulangan ng database.
Ayon kay Sotto, mismong ang Pangulo na ang nagsabing dapat ipinatupad ang National ID para magkaroon ng sistema at organisadong pamamahagi ng cash aid.
Dalawang taon na ang aniya ang nakalilipas nang pagtibayin ng Kongreso ang National ID at napondohan na rin ito ng Kongreso kaya nakapagtatakang hindi pa rin ito umuusad.
Nakiusap si Sotto na itigil na ang red tape para umusad na ang batas.
SP Vicente Sotto’s statement:
“The system should have been in place now if not for the red tape. I will urge the Senate to investigate why this is so when we resume”.
Sinabi ni Sotto na maaari namang makipag-partner sa pribadong sektor para mapabilis ang pagpaparehistro sa National ID at higit itong mas mura sa halip na obligahin ang mga tao na pumunta sa city hall ng bawat lalawigan para sa kanilang biometrics dahilan kaya nagkakaroon ng backlog.
Ulat ni Meanne Corvera