Mabilis na paglalakad o “brisk walking” araw-araw, maaaring makapagpabawas ng isa sa sampung maagang kamatayan ayon sa pag-aaral
Isa sa 10 maagang pagkamatay ay mapipigilan kung ang bawat isa ay magkakaroon ng kahit na kaunting ehersisyo araw-araw gaya ng 11-minutong brisk walking. Ayon ito sa isang malaking pag-aaral.
Ang pisikal na aktibidad ay kilalang nakapagpapabawas sa panganib ng sakit sa puso, cancer at iba pang nangungunang sanhi ng kamatayan, ngunit kung gaano ang kailangan para magkaroon ng epekto ay hindi malinaw.
Kaya pinagsama-sama ng isang international team ng researchers ang mga resulta ng 196 na nakaraang mga pag-aaral na nilahukan ng higit sa 30 milyong katao, upang gumawa ng isa sa pinakamalaking pagsusuri tungkol sa paksa.
Sa kanilang kalkulasyon, halos isa sa anim na pagkamatay ang naiwasan sana kung lahat ng kalahok sa pag-aaral ay nagkaroon ng hindi bababa sa 150 minuto kada linggong “moderate-intensity physical activity,” na siyang level na rekomendado ng National Health Service ng Britanya.
Subalit ayon sa meta-analysis na nalathala sa British Journal of Sports Medicine, kahit kalahati lamang nito o 75-minuto kada linggo, o wala pang 11-minuto bawat araw, ay maaaring makapigil sa isa sa sampung pagkamatay.
Kabilang dito ang 17-percent kabawasan sa sakit sa puso at pitong porsyentong pagbaba sa cancer.
Para naman sa isang taong nagsasagawa ng kaunti o wala talagang pisikal na aktibidad, ang 11 minuto sa isang araw ay humantong sa isang 23-porsiyento na mas mababang panganib ng maagang pagkamatay.
Sinabi ni Soren Brage, isang eksperto sa epidemiology ng physical activity sa Cambridge University ng Britain at co-author ng pag-aaral, “The study was exceptionally good news. All you need to do is find a little bit more than 10 minutes every day. And you don’t have to go to the gym to do these types of activities, it’s part of daily life.”
Iminungkahi niya na ang mga tao ay magbisikleta pauwi, o kaya ay bumaba nang mas maaga sa bus para maglakad patungo sa kanilang trabaho. Aniya, “It’s very flexible.”
Ayon pa kay Brage, dahil nangangailangan ng mga taon upang masuri kung paano nakaaapekto ang ehersisyo sa panganib ng mga naturang sakit, marami sa mga pag-aaral na kanilang sinuri ay isinagawa higit sa isang dekada na ang nakalilipas.
Nangangahulugan aniya ito na ang aktibidad na iniulat ng mga kalahok sa pag-aaral ay malamang na hindi na gaanong tumpak kaysa sa kung ano ang maaaring makamit ng mga mas bagong teknolohiya tulad ng mga fitness tracker, at kinilala na ito ang nagbigay ng limitasyon sa pag-aaral.
Ang cardiovascular diseases tulad ng atake sa puso at stroke ay pumatay na ng 17.9 na milyong katao sa buong mundo noong 2019, habang ang cancer ay ikinamatay naman ng halos 10 milyong nang sumunod na taon, ayon sa World Health Organization.
© Agence France-Presse