Madalas na pag-atake ng hika, hindi dapat ipagwalang bahala – Health expert
Hindi dapat na ipagwalang bahala ang sakit na hika.
Sa panayam ng programang Health Watch kay Dra. Eileen Aniceto, isang Pulmonologist at Head ng Outpatient Department ng Lung Center of the Philippines sinabi niya ang hika ay namamana, hindi katulad ng ilang sakit sa baga na tulad ng tuberculosis at chronic obstructive pulmonary.
Ngayong tag init marami sa asthmatic ay Malaki ang tsansa na atakihin ng kanilang sakit.
Kabilang sa sintomas ay hirap sa paghinga, pag-ubo at paghuni o wheezing, na parang may pusa sa baga.
Tumataas din ang balikat kapag hinahabol ang paghinga.
Ipinaliwanag ni Dra. Aniceto na ang hika ay ang pamamaga at pagiging sensitibo ng mga maliliit na daanan ng hangin sa baga.
Aniya, kapag umaatake ang hika, dumarami ang plema sa baga at kumikitid ang daanan ng hangin, kung kaya, naghahabol ng hangin ang asthmatic patient.
Sinabi pa ni Dra. Aniceto, walang permanenteng gamutan sa hika kaya dapat laging may nakahandang gamot ang isang asthmatic na magagamit sa oras na sumumpong ang kanyang hika.
Binanggit din ni Dra. Aniceto na kung matututong baguhin ng isang asthmatic ang kanyang lifetstyle, maaaring mabawasan ang atake ng hika ng halos 50 porsiyento.
Payo pa ni Dra. Aniceto, hindi dapat na ipagwalang bahala ng asthmatic kapag siya ay inaatake, ang kailangan ay lapatan agad ng lunas at kung kailangan na agad na dalhin sa clinic o ospital ay gawin agad.
Belle Surara