Madalas na water interruption ng Maynilad ipinabubusisi sa MWSS
Pinakikilos ni Senador Grace Poe ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa planong water service interruption ng Maynilad na inaasahang makaka-apekto sa may 600,000 consumers nito.
Sinabi ni Poe, chairman ng Senate Committee on Public Services na bilang government regulator, dapat silipin ng MWSS ang aniya’y dumadalas na kawalan ng serbisyo sa tubig.
Kwestyon ng senador bakit mas madalas at mas mahaba na ang oras ng walang serbisyo sa tubig ang kumpanya at dapat malaman kung nasusunod pa ba ang kanilang obligasyon na magbigay serbisyo sa taumbayan
Nauna nang sinabi ng Maynilad na simula July 12 ay maaring makaranas na ng water service interruption ang kanilang mga customer na maaring tumagal ng siyam na oras dahil daw yan sa bumababang antas ng tubig sa Angat Dam.
Pero kwestyon ni Poe kung ano na ang nangyari sa investment at building capacity ng kumpanya
Dapat may ginagawa umanong hakbang ang kumpanya para punan ang pangangailangan ng kanilang customers at hindi dapat umasa lang sa lakas o buhos ng ulan
Kinakalampag ng senador ang MWSS na bantayan ang Maynilad at hindi laging isinisisi sa Angat Dam kapag may water shortage.
“Dumadalas, humahaba ang oras at dumadami ang apektado dito sa water interruption. hindi ito katanggap-tanggap hindi dapat umasa na lang sa lakas ng buhos ng ulan. pag may water shortage, Angat Dam lagi ang sinisisi,” pahayag pa ni Senadora Poe.
Meanne Corvera