Mag-asawa, kinasuhan ng BIR sa DOJ dahil sa mahigit 2 bilyong pisong utang sa buwis bunsod ng paggamit ng pekeng tax stamps sa mga produktong sigarilyo
Umaabot sa mahigit dalawang bilyong piso na utang sa buwis ang hinahabol ng BIR mula sa mag-asawang negosyante sa Lubao, Pampanga dahil sa paggamit ng pekeng tax stamps sa kanilang produktong sigarilyo.
Mga reklamong non-payment of excise tax at possession of counterfeit stamps sa ilalim ng National Internal Revenue Code ang isinampa ng BIR sa mag-asawang sina Mark Bryan Chan at Jeannette Chan.
Ang dalawa ang nagmamay-ari ng factory-warehouse sa Purok 6, San Isidro, Lubao, Pampanga na nagma-manufacture ng mga sigarilyo na may pekeng BIR stamps.
Mahigit walong milyong pekeng stamps ang nakumpiska ng BIR mula sa factory-warehouse ng mga Chan.
Nakita rin sa pagawaan ang ilang cigarette-making machines, tobacco production raw materials, ilang kahon ng BIR stamps at mga pakete ng sigarilyo.
Nabatid din ng BIR na hindi rin rehistradong excise taxpayer o kumuha ng anomang permit bilang manufacturer or importer ng mga sigarilyo.
Kabuuang 2.57 billion pesos ang buwis na hindi nabayaran ng mag-asawa dahil sa paggamit ng pekeng tax stamps.
Ulat ni Moira Encina