Mag-ingat sa mga alok na trabaho gamit ang pekeng POEA FB
Pinapayuhan ng Philippine Overseas Employment Administration ang mga Filipinong naghahanap ng trabaho na maging maingat sa mga inaalok na trabaho sa social media, lalo na sa mga Facebook pages na nagpapanggap na pag-aari ng POEA ang FB account.
Sinabi ni POEA Administrator Bernard P. Olalia na may naglalabasang Facebook page na ginagamit ang pangalan at logo ng POEA para mag-anunsiyo ng bakanteng trabaho sa ibang bansa tulad ng Australia, Canada, Germany, Japan, New Zealand, at sa United States.
Pinaalalahanan ni Administrator Olalia na ito ay hindi binerepika o inaprobahan ng POEA.
Pinangalanan ni Olalia ang ilan sa mga nasabing pekeng POEA Facebook pages gaya ng POEA Job Hirings in New Zealand, POEA Jobs Online, OFW POEA Jobs Abroad, POEA Jobs Abroad, POEA Job Hiring USA, POEA Job Hiring Australia, POEA Job Hiring UK, POEA Job Agency Hiring, POEA Trabaho Abroad Hiring, POEA Jobs in Dubai, Work Abroad-POEA Licensed Company, at POEA Accredited Licensed Agency.
Ang FB page “POEA Job Hirings in New Zealand” ay naiulat na naglathala na may bakanteng trabaho sa Honda New Zealand na umanoý nangangailangan ng manggagawang Filipino. Itinanggi ng kompanya na sila ay nagre-recruit sa Pilipinas o sa alinmang bansa sa labas ng New Zealand.
Sinabi ni Olalia na ang facebook.com/poea.gov.ph ang opisyal na Facebook account ng POEA. Ito ay may blue checkmark bilang tanda na totoo ito na binerepika mismo ng Facebook.
Pinapayuhan ang mga aplikante na ikumpirma muna sa POEA kung balido ang mga trabahong iniaalok sa kanila gamit ang email at social media sa pamamagitan ng online verification system sa website poea.gov.ph o tumawag sa telephone hotlines 8722-1144 at 8722-1155.