Magdala ng tubig at payong kung lalabas ng bahay
Pinaalalahanan ng PAGASA ang publiko, na magdala ng tubig at payong kung lalabas, dahil sa inaasahang magpapatuloy ang mainit na panahon.
Sinabi ni PAGASA Weather Specialist Rhea Torres, na walang namamataang makakapal na kaulapan na posibleng magdala ng mga pag-ulan sa anumang bahagi ng bansa, kaya asahan na ngayong araw na ito ng martes na magpapatuloy ang mainit at maalinsangang panahon.
Ayon pa sa PAGASA, sa susunod na bente kuwatro oras, ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may manaka-nakang pag-ulan o thunderstorms, na dulot ng localized thunderstorms.
Dagdag pa ng ahensiya, maaaring maramdaman sa labingtatlong mga lugar ang “dangerous” heat indices, bukas, April 3.
Ang pinakamataas na posibleng temperatura ay 44°c sa Roxas city, Capiz, sinundan ng 43°c sa Pasay city, Dagupan city, Pangasinan; Aparri, Cagayan; Aborlan, Palawan; istasyon ng Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA) sa Pili, Camarines sur; Iloilo city, Iloilo; at Dumangas, Iloilo.
Maaari rin ayon sa PAGASA, na ang heat index ay umabot sa 42°c sa PAGASA Science Garden sa Quezon city; Sangley point, Cavite; San jose, Occidental Mindoro; Puerto Princesa Palawan; at Catarman, Northern Samar.