Magdalo group maghahain ng supplemental sa impeachment complaint laban kay Pang. Duterte
Maghahain na rin ng supplemental complaint ang grupong Magdalo sa reklamong impeachment na isinampa laban kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Kamara.
Ayon kay Senador Antonio Trillanes, Betrayal of Public Trust at Culpable Violation of the Constitution ang gagamitin nilang basehan sa paghahain ng karagdagang reklamo kaugnay ng usapin sa Benham Rise at Scarborough Shoal.
Nang manumpa aniya si Duterte bilang Pangulo, nanumpa ito na poprotektahan ang interes at territorial integrity ng bansa na taliwas naman sa ginagawa ng kaniyang administrasyon.
“Kung babasahin even yung diff. articles ng consti national territory part ng oath ay sumusumpa na itutulak niya ang interes ng bansa at faithful execution ng mga batas natin mga probisyon na kailangang protektahan ang territorial integrity hindi mo ginagawa kailangan mo gampanan”. – Sen. Trillanes
Katunayan, wala aniyang ginagawang aksyon ang Pangulo para makuha ang karapatan saScarborough Shoal sa kabila ng desisyon ng United Nations Arbitral Tribunal at tila pinapayagan pang maglayag ang mga barko ng China sa isa pa sa mga teritoryo ng Pilipinas o ang Benham Rise.
Iginiit ni Trillanes na maari pa nilang amyendahan ang kanilang isinampang reklamo dahil hindi pa ito naire-refer sa anumang komite sa Kamara.
Inamin ng Senador na sinimulan na nila ang pakikipagdayalogo sa mga Kongresista para ipakita ang mga basehan at ebidensya ng impeachment complaint laban sa Pangulo.
Tumanggi itong magbigay ng detalye pero nakatitiyak aniya ang Magdalo na magbabago ang dynamics sa Kamara dahil maraming kongresista ang babaligtad at makakakuha ng sapat na numero o suporta para iakyat ang reklamo sa Senado.
Ulat ni: Mean Corvera