Magkalabang paksyon sa Negros Oriental, nag-akusahan sa Senado

Inireklamo ng ilang testigo sa Senado ang umanoy pangha-harass sa kanila ni Siaton, Negros Oriental Mayor Fritz Diaz.

Sa sulat na ipinadala ni Atty. Rosel Erames sa Committee on Public Order, sinabi nito na hinarang at sinigawan ni Diaz pagkatapos ng pagdinig nitong Miyerkules ang kliyente niyang si Pastor Jerome Nalam.

Nangyari umano ang pangha-harass sa Tolentino Hall sa  2nd floor ng Senate Building na nasaksihan ng isa pang testigo na si Renato Laping.

Nang tanungin ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, sinabi ni Nalam na sumulat siya dahil inakala nya na ligtas sya sa Senado.

Kung kaya aniyang gawin ni Diaz ang panunugod sa loob ng Senate Hall, mas malamang na magagawa niya ito sa labas ng Senado.

Ang nangyari, sinugod ako ni Mayor Fritz, dinuro pa ako sa Bisaya, nilampos, grabeng harassment kasi in-invite nyo ako rito safety ako nandito sa loob, akala ko magka-clash na,” kuwento pa ni Pastor Jerome Nalam.

Itinanggi naman ni Diaz ang alegasyon laban sa kanya, bagama’t umanin na nilapitan niya si Nalam, at lumuhod pa siya para titigan ito sa mata.

Nakakuha kasi siya ng  impormasyon na nagpaplano ang mga ito na siya ang susunod na ipapapatay.

“Si pastor galing sa amin yan, mapatawag natin si Vice Mayor Jun Carl Sta. Catalina, yung get away vehicle, 2-days before namatay si Gov. ginamit ni Pastor Nalam at isang councilor kasama ang killer ni Gov. Degamo, may info ako na nagpa-plot sila sa pagpatay sa amin,” katwiran naman ni Mayor Diaz.

Ayon kay Diaz, si Nalam ay bahagi umano ng core group ni Congressman Arnolfo Teves Jr.

Kung balak aniya nilang tapatan ang ginawa ng kanilang mga kalaban sa pulitika, hindi sana sila lumapit sa Senado para imbestigahan ang talamak na patayan sa Negros Oriental.

This is the first time na nakita ko sya sa Senate, akala namin umalis siya ng bansa. If there is a terrorism sana masali ng DOJ, ito ang core group,” pagdidiin pa ni Diaz.

Inutos ni dela Rosa na ilabas ang kopya ng CCTV footage ng Senado kahapon.

Inatasan ng senador ang provincial director ng lalawigan na bigyan ng seguridad kapwa sina Diaz at Nalam.

Kapag may mangyari sa grupo na ito mananagot ka sa ‘kin, eskortan mo ‘tong grupo ni Degamo para walang mangyari,” bilin pa ni dela Rosa sa police official.

Meanne Corvera

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *