Magkalabang panig sa Sudan, hindi pa rin nagkasundo para sa isang tigil-putukan
Lumagda sa isang pangako na igalang ang mga prinsipyong makatao, ang mga paksyon ng militar ng Sudan na patuloy pa rin ang tunggalian, subalit hindi nagkaroon ng kasunduan para sa tigil-putukan sa isang pag-uusap na inilarawan ng mga diplomat ng Estados Unidos na “mahirap.”
Halos isang buwan makaraang sumiklab ang karahasan na ikinasawi na ng higit sa 750 katao, ikinasugat ng 5,000 at naging sanhi ng paglikas ng nasa 900,000 iba pa, ang dalawang panig ay nangako o nagsagawa ng deklarasyon sa mga pag-uusap sa Saudi port city ng Jeddah, na poprotektahan ang mga sibilyan, ngunit tila walang nakatakdang agad na magbago.
Ayon sa mga envoy mula kay army chief Abdel Fattah al-Burhan at paramilitary commander Mohamed Hamdan Daglo, “We agree that the interests and well-being of the Sudanese people are our top priority and affirm our commitment to ensure that civilians are protected at all times. This includes allowing safe passage for civilians to leave areas of active hostilities on a voluntary basis, in the direction they choose.”
Ipinangako sa deklarasyon ng magkabilang panig sa pangkalahatang tuntunin, na payagang makapasok ang lubhang kailangang humanitarian assistance matapos ang mga nakawan at pag-atake sa naghihirap na bansa, ang pangatlong pinakamalaking lugar sa Africa.
Ang deklarasyon ay nananawagan para sa pagpapanumbalik ng kuryente, tubig at iba pang pangunahing serbisyo, ang pag-alis ng mga pwersang panseguridad sa mga ospital at “pagbibigay ng maayos at angkop na paglilibing” sa mga namatay.
Ang US at Saudi Arabia, na magkasamang namumuno sa “diplomatic drive,” ay nagsabi na ang mga pag-uusap ay nagpapatuloy na may isang panukala sa talahanayan para sa isang 10-araw na tigil-putukan, na hahantong sa mga negosasyon tungo sa isang pangmatagalang pagwawakas sa labanan.
Subalit halos sa buong araw nitong Huwebes, ay nagkaroon ng mga labanan at nakawan sa Khartoum, kapitolyo ng Sudan at naging tapat ang US diplomats sa pagsasabi tungkol sa mga hadlang sa halos isang linggo nang pag-uusap sa Jeddah.
Ayon sa isang US official na sangkot sa pag-uusap, “This is not a ceasefire. This is an affirmation of their obligations under international humanitarian law. We are hopeful, cautiously, that their willingness to sign this document will create some momentum that will force them to create the space to bring in relief supplies.”
Hindi bababa sa 18 humanitarian workers na ang namatay simula nang mag-umpisa ang labanan noong April 15, kung saan maraming NGOs at United Nations agencies ang pansamantalang tumigil sa kanilang mga trabaho.
Sinabi ng World Food Program ng UN, na milyun-milyong dolyar na halaga ng pagkain ang ninakaw sa Khartoum.
Tinanggap din ng UN-led support mission sa Sudan, na kinabibilangan din ng African Union at regional IGAD bloc, ang deklarasyon at nanawagan sa mga naglalabanang paksyon na “maghatid ng malinaw at maliwanag na instructions sa lower ranks, upang mabigyang-daan ang humanitarian access.”
Matapos mawalan ng saysay ang mga nakaraang tigil-putukan, sinabi ng Estados Unidos na nagkasundo rin ang dalawang panig sa Jeddah sa unang pagkakataon sa mga paraan upang masubaybayan ang anumang tigil-putukan.
Sinabi ng pangalawang opisyal ng US na ang mga negosasyon ay “napakahirap” at kinikilala na ang magkabilang panig ay maaaring may lihim na motibo para sa pagsubaybay sa tigil-putukan.
Aniya, “Candidly, there is some hope on both sides that the other side would be seen as being the perpetrator of violations. Frankly, we’ve seen violations by both sides in all the ceasefires to date and don’t expect that to change. But the length of time spent in brokering the first step would at least make the ceasefire more ‘effective’ if reached.”
Kinuwestiyon naman ng mga diplomat at eksperto kung nais ba talaga ng dalawang panig ng kapayapaan, o kung mas interesado silang talunin ang isa’t-isa.
© Agence France-Presse