Magkapatid na Capiral na isinangkot sa Pastillas scam, ipinawalang-sala ng Manila RTC
Absuwelto sa kasong graft and corruption, robbery- extortion at paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials and Employees ang magkapatid na Capiral na una nang nakasuhan kaugnay ng kontrobersyal na “Pastillas” scheme.
Ito ay sina Atty. Joshua Paul Capiral, dating hepe ng Legal Assistance Office ng National Bureau of Inveatigation (NBI) at kapatid na si Immigration Officer Christopher John Capiral.
Sa magkakahiwalay na desisyon, inabsuwelto ng Manila Regional Trial Court Branch 18 ang magkapatid na Capiral sa kasong paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ayon sa korte, bigo ang prosekusyon na patunayan na guilty ang dalawa sa kaso.
“For the foregoing, this Court finds that the prosecutions failed to satisfy the standard proof beyond reasonable doubt for violation of Sec 3 of RA 3019. Wherefore, the judgment is hereby rendered acquitting Joshua Paul Capiral y Chua and Christopher John Capiral y Chua for violation of Sec. 3 (e) of Republic Act 3019, for failure of the prosecution to prove their guilty beyond reasonable doubt.” nakasaad sa desisyon ng Manila RTC.
“Accordingly, this case is dismissed,” ayon pa sa desisyon ng Manila RTC.
Ang kaso laban sa dalawa ay nag-ugat sa reklamo ni Jeffrey Dale Ignacio, whistleblower sa Pastillas scam.
Ayon kay Ignacio, hiningan siya ng P200,000 ng magkapatid na Capiral kapalit ng legal services at pagpapabasura sa kaso laban rito na nasa Ombudsman.
Pero sa desisyon ng Manila RTC, sinabi na hindi makita ng korte na may kakayahan ang magkapatid na Capiral na impluwensiyahan ang Ombudsman para mabasaura ang kaso laban kay Ignacio.
Ibinasura rin ng korte ang kasong robberry- extortion laban sa dalawa matapos mabigo si Ignacio na ipakita na nagkaroon talaga ng pananakot o pamumuwersa sa kanya.
Sa huli umamin ito na hindi humingi ng pera sa kanya ang mga akusado.
Sa hiwalay na desisyon, inaprubahan naman ng Manila RTC Branch 45 ang apela ni Atty. Joshua Capiral na ibasura ang kasong paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees laban sa kanya.
“Accordingly, accused Joshua Paul Capiral is acquitted,” sinabi sa desisyon ng korte.
Ayon sa korte, mismong si Ignacio ay aminadong wala itong personal na komunikasyon kay Capiral at nakausap lamang nito nang personal sa unang pagkakataon ang nang maisagawa ang entrapment ng awtoridad.