Magsasaka ng sibuyas na tumestigo sa Senado hinaharas umano ng ilang pulis
Ibinunyag ni Senador Imee Marcos na tinatakot umano ng ilang pulis ang mga magsasaka na tumestigo sa Senado kaugnay ng ginawang imbestigasyon sa isyu ng mataas na presyo ng sibuyas.
Katunayan, batay sa nakuha nyang impormasyon, may mga pulis umano na gabi gabing kumakatok sa bahay ng mga magsasaka.
Pinapirma raw ang mga ito sa isang sinumpaang salaysay at sabihing bumabaligtad sila sa lahat ng anumang sinabi sa Senado.
Ibinahagi ni Marcos ang kopya ng police report kung saan pinuntahan at ininterview pa ng mga pulis ang ilang magsasaka.
Ang utos umano ay nanggaling sa Department of Interior and Local Government at sa NTF elcac
Tanong ni Marcos, bakit tila itinuturing na miyembro ng CPP-NPA ang mga magsasaka.
Apila niya sa mga otoridad mag hands off sa mga testigo ng Senado.
Sa naunang pagdinig ng Senado, ibinunyag ng mga magsasaka na binabarat ng mga traders ang kanilang produkto at karamihan sa kanilang ani nabubulok dahil mga traders ang gumagamit ng storage facilities para mamanipula ang suplay.
Meanne Corvera