Mahigit 10,000 PDLs, nabakunahan ng booster kontra COVID-19
Nasa 10,000 persons deprived of liberty (PDLs) ang naturukan na ng booster shot laban sa COVID-19 bilang bahagi ng PinasLakas nationwide booster campaign ng pamahalaan.
Ito ay batay sa ulat na isinumite ng Bureau of Corrections (BuCor) sa Department of Justice (DOJ).
Mula sa nasabing bilang, 9,877 PDLs ay mula sa New Bilibid Prison (NBP) Maximum Security Camp.
Isinagawa ang pagbabakuna sa mga preso sa Inmates Visitation Services Unit sa Muntinlupa City.
Ang mga inmate ay tinurukan ng AstraZeneca, Moderna at Sinovac booster brands.
Ang BuCor Directorate for Health Services ang nangasiwa sa pagtuturok ng booster shots sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa at Department of Health (DOH) na nagbigay ng bakuna.
Samantala, umaabot sa 705 PDLs ang tinurukan ng Covid booster sa Sablayan Prison and Penal Farm (SPPF), Central Compound sa Occidental Mindoro.
Karamihan sa inmates ay tumanggap ng kanilang una at pangalawang booster shots ng Pfizer at Sinovac.
Moira Encina