Mahigit 100,000 tablets na gagamitin sa online classes, nai-turn over na ng QC-LGU sa Division Office
Kabuuang 176,000 Samsung tablets ang ipinagkaloob ng Pamahalaang Panglunsod ng Quezon City sa School Division office para magamit sa online classes.
Ang ceremonial turn-over ay isinagawa kahapon at pinangunahan ni Mayor Joy Belmonte.
Ayon sa alkalde, may custom software ang tablets na ito at lahat ng app na kakailanganin ng mga estudyante ay naka-install na rito.
Ang mga nabanggit na gadgets ay bahagi ng P2.9 billion supplemental budget na inaprubahan ng Quezon City Local School Board.
Kasama sa naturang budget ang pagbibigay ng kaukulang allowance sa mga guro at pamamahagi ng learning kits (flash drives, modules at printed materials) at hygiene kits (sabon, alcohol, atbp) para sa mga estudyante.
Ang tablets ay may 10 gigabytes data connection kada buwan.
Naglaan din aniya ang lokal na pamahalaan ng internet connectivity sa lahat ng 159 elementary at secondary public schools, habang ang 14,000 Public School teachers ay tatanggap ng P1,000 load para sa data na gagamitin sa pagtawag at text kada buwan upang matiyak ang patuloy na contact sa kapwa mga guro, mga mag-aaral , mga magulang at kanilang guardians.
Mayroon pa aniyang P400 milyon na inilaan ang QC government para sa pagtatayo ng mga gusali, repair at rehabilitasyon ng mga school buidling para sa mga mag- aaral oras na payagan na ang regular na face- to- face mode of instruction.
Binigyang-diin ni Belmonte na ang paglalaan ng ayuda sa edukasyon ay isa sa pangunahing programa ng kaniyang administrasyon.
Belle Surara