Mahigit 11,000 PDLs lumaya sa iba’t ibang kulungan ng BuCor sa ilalim ng Marcos Gov’t
Umabot na sa mahigit 11,000 Persons Deprived of Liberty (PDLs) ang nakalaya mula sa New Bilibid Prison (NBP) at iba pang mga piitan ng Bureau of Corrections (BuCor) mula Hunyo 2022 o sa ilalim ng Gobyernong Marcos.
Ayon kay Bucor Director general Gregorio Catapang Jr.,kabilang sa mga ito ang mga nakalabas ng kulungan ngayong Martes na 54 inmates mula sa Bilibid at iba pang BuCor penal colonies.
Tinataya naman na 5,000 hanggang 10,000 PDLs ang posibleng makalaya ngayong taon kung pagtibayin ng hukuman ang apela na maibilang ang kanilang Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Ayon naman kay Justice Usec . Deo Marco, posibleng ngayong taon ay matapos ang digitization ng prison records na makatutulong para mapabilis ang pagproseso sa paglaya ng PDLs na natapos nang mapagsilbihan ang sentensiya.
Bukod sa decongestion, balak din ng DOJ na pagtuunan ang mga programa para sa hanapbuhay ng mga lumaya.
Isa sa mga plano ng kagawaran ay ang pagkausap sa mga pribadong kumpanya para sanayin at bigyan ng trabaho ang layang PDLs tulad ng ginagawa sa ibang mga bansa.
Moira Encina