Mahigit 23 libong pinoy na nagtatrabaho sa POGO nanganganib mawalan ng trabaho
Abot sa mahigit 23 libong pinoy ang nanganganib umanong mawalan ng trabaho kapag ipinasara ng gobyerno ang mga lehitimong POGO companies sa bansa.
Sa datos ng Association of Service Providers and POGOs, ang mga nasabing pinoy ay nagtatrabaho bilang clerk, customer service representatives, housekeepers, maintenance staff, driver, security guard, cook, waiter at iba pa.
Ayon kay ASPAP Representative Atty. Michael Danganan, kung tutuusin ay mas marami sa mga empleyado sa POGO ay mga pinoy.
Sa isang pulong balitaan, bukod sa mga kinatawan ng ASPAP ay humarap rin ang ilang pinoy na nagtatrabaho sa ibat ibang POGO companies para manawagan sa gobyerno na huwag namang ipatigil ang operasyon nito.
Kaugnay nito, nag- alok rin ng tulong ang ASPAP sa gobyerno ng Pilipinas sa ginagawa nitong crackdown sa mga illegal POGO workers.
Tiniyak rin ni Atty Paul Bongco, na lahat ng kanilang dayuhang empleyado, basta natapos ng kontrata ay pinababalik na sa bansa nito.
Wala rin aniya sa mga ito ang nasangkot sa anumang mga krimen.
Sa gitna naman ng sinasabi ng Department of Finance na maliit lang ang kinikikita ng gobyerno sa POGO.
Sinabi ni Bongco na kung tataasan man sila ng buwis ng pamahalaan ay payag sila basta huwag naman daw sobra.
Madelyn Villar – Moratillo