Mahigit 397,000 videoconferencing hearings naisagawa ng mga korte sa bansa sa panahon ng pandemya
Umaabot sa halos 400,000 pagdinig sa pamamagitan ng videoconferencing technology ang naisagawa ng iba’t ibang korte sa bansa sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Sa talumpati ni Chief Justice Alexander Gesmundo sa 60th founding anniversary ng Philippine Constitution Association (PHILCONSA), sinabi nito na batay sa datos noong Hulyo ay nasa 397,605 videoconferencing hearings ang matagumpay na naidaos sa bansa sa kabila ng pandemya.
Ayon kay Gesmundo, nagpatupad ang Korte Suprema ng iba’t ibang work schemes at alternative work arrangements sa mga hukuman upang hindi mahinto ang gulong ng hustisya.
Aniya para sa mga korte na nasa ECQ o MECQ areas ay pinayagan ng Supreme Court ang operasyon nito online at ang lahat ng hukuman para magsagawa ng fully remote videoconferencing hearings.
Pinahintulutan naman ng SC ang electronic filing ng mga pleadings at mosyon dahil sa ipinaiiral na “no personal filing” policy.
Samantala, mahigit 90,000 qualified inmates kabilang ang 1,217 children in conflict with the law ang napalaya sa panahon ng pandemya batay sa pinakahuling bilang noong Hulyo.
Moira Encina