Mahigit 400 preso mula sa mga kulungan ng BuCor, lumaya nitong Lunes
Kabuuang 416 persons deprived of liberty (PDLs) ang lumaya na nitong Lunes, Pebrero 20 sa iba’t ibang piitan ng Bureau of Corrections (BuCor).
Ito na ang pinakamaraming preso na sabayang pinalaya mula noong Setyembre ng nakaraang taon sa ilalim ng Administrasyong Marcos.
Mula sa nasabing bilang, kabuuang 205 na PDLs ay mula sa New Bilibid Prisons (NBP) at 42 mula sa Correctional Institution for Women (CIW).
Lumaya rin ang 76 preso mula sa Davao Prison and Penal Farm; 22 sa Leyte Regional Prison; 14 sa Iwahig Prison and Penal Farm; 43 sa San Ramon Prison and Penal Farm; at 13 sa Sablayan Prison and Penal Farm.
Pinangunahan nina Justice Secretary Crispin Remulla, BuCor Acting Chief Gregorio Catapang Jr., at Public Attorney’s Office Chief Persida Rueda- Acosta ang seremonya sa NBP sa Muntinlupa City.
Noong Enero ay kabuuang 340 PDLs ang lumabas mula sa mga piitan ng BuCor.
Umaabot naman sa mahigit 5,000 bilanggo ang lumaya mula sa BuCor penal farms sa ilalim ng Pamahalaang Marcos noong 2022.
Ang buwanang pagpapalaya ng PDLs ay bahagi ng mga reporma at pag-decongest sa mga kulungan ng BuCor.
Moira Encina