Mahigit 4,700 pasahero stranded sa mga pantalan sa bansa dahil sa bagyong Odette
Kabuuang 4,741 pasahero ang istranded sa iba’t ibang pantalan sa bansa bunsod ng bagyong Odette.
Ito ay batay sa pinakahuling monitoring ng Philippine Coast Guard ngayong Biyernes.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo, ang mga stranded passengers ay mula sa mahigit 70 pantalan sa Bicol, Central Visayas, North Eastern Mindanao, Eastern Visayas, at Western Visayas.
Umaabot naman sa 2,110 rolling cargoes, 83 vessels at 3 motorbancas ang hindi nakabiyahe mula sa mga apektadong ports sa mga nasabing lugar.
Nag-take shelter naman ang 274 vessels at 178 motorbancas bilang pag-iingat mula sa hagupit ng bagyo.
Sinabi naman ni Balilo na posibleng mamayang hapon ay mabawasan na ang bilang ng mga istranded na pasahero at barko kapag unti-unting payagan ang biyahe sa oras na bumuti na ang panahon sa ibang pantalan.
Samantala, iniulat ni Balilo na as of 11:00am ngayong Biyernes ay tuloy na ang mga biyahe mula sa Matnog Port patungong Northern Samar maliban sa papuntang Bogo, Cebu.
Moira Encina