Mahigit 6,000 residente kada araw target mabakunahan kontra COVID-19 ng Pasay City LGU
Iprinisinta ng Pasay City Government sa COVID-19 Vaccine CODE Team ang plano nito para sa gagawing maramihang pagbabakuna sa lungsod laban sa COVID.
Tinawag ng Pasay City LGU na “VACC TO THE FUTURE” ang kanilang COVID vaccination plan.
Sinabi ni Mayor Emi Calixto- Rubiano na handang- handa na ang lokal na pamahalaan sa mass COVID vaccination.
Habang hinihintay anya ng lungsod ang mga biniling bakuna ay puspusan na ang pagsasanay ng kanilang mga tauhan at ang vaccination simulation, at ang information campaign ukol sa importansya ng pagbabakuna.
Nagsimula rin anya matagal na ang registration at ang pagkakaroon ng ID ng mga residente na magagamit din sa monitoring at follow-up sa mga nabakunahan.
Mayroon 17 vaccination sites na itinalaga ang LGU na kinabibilangan ng mga paaralan, barangay covered courts, at mga ospital.
Batay sa plano ng City Government, target nilang mabakunahan ang mahigit 6,000 residente kada araw.
Uunahin nila na mabakunahan ang nasa mahigit 100,000 priority population sa lungsod na binubuo ng mga Frontline Health workers, Senior Citizens, Eligible Indigents, at mga Uniformed personnel mula sa PNP, BJMP, at BFP.
Kabuuang 297 ang vaccination workforce ng Pasay kasama ang 126 vaccinators, at 296 ang support workforce.
Pumasok na rin sa public- private partnership ang Pasay City LGU sa isang cold storage facility para sa delivery at paglalagakan ng mga bakuna.
Pinuri naman ng CODE Team na pinangungunahan ng IATF at NTF Against COVID-19 ang komprehensibong plano ng Pasay City Government.
Tiniyak ng CODE Team na nakahanda ang national government na patuloy na umalalay sa LGU para maayos na maipatupad ang COVID vaccination program.
Moira Encina