Mahigit 90 milyong pisong halaga ng mga kagamitan para sa Anti-drug campaign binili ng PDEA
Ibinida ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA na sa pagbungad pa lamang ng bagong taon ay bumili na sila ng mga bagong kagamitan para lalong palakasin ang kanilang anti-drug campaign.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, aabot sa 90,500,000 na mga bagong kagamitan ang kanilang binili para sa proteksyon sa kanilang mga tauhan maging ang mga sasakyan.
Kabilang sa binili ng PDEA ay ang 20 remote controlled vehicles o mga drone ganundin ang 166 na mga hand-held radios na nagkakahalaga ng mahigit 10 milyong piso.
Bumili rin ang pDEA ng 100 piraso ng body cameras na magagamit sa kanilang intelligence and information gathering at mga aktuwal na operasyon na nagkakahalaga naman ng 2.9 milyong piso.
Para naman sa kaligtasan ng kanilang mga tauhan, bumili ang PDEA ng 753 na mga tactical helmets at 23 reloading machine na nagkakahalaga ng 25.7 milyong piso.
Ayon pa kay Aquino, bumili rin sila ng mga kagamitan para sa kanilang mga opisina hindi lamang sa National headquarters kundi maging sa 17 tanggapan sa buong bansa.
Umaasa si Aquino na malaking tulong ang mga kagamitang ito para sa ikapagtatagumpay ng kanilang kampanya kontra iligal na droga.
Ulat ni Genycil Subardiaga
=== end ===