Mahigit labingdalawa katao, patay sa sunog sa ArcelorMittal mine sa Kazakhstan
Sinabi ng ArcelorMittal Temirtau, ang lokal na unit ng Luxemborg-based steelmaker na nago-operate sa minahan, na hindi bababa sa 21 katao ang namatay sa nangyaring sunog sa Kazakhstan.
Sa pahayag ng kompanya, sa 252 katao sa Kostenko mine, 208 ang nailikas, 18 ang nangailangan ng atensiyong medikal habang may 23 katao naman ang hindi pa nalo-locate.
Ipinag-utos sa kaniyang gabinete ni Kazakh President Kassym-Jomart Tokayev, na nagparating na ng pakikiramay sa pamilya ng mga biktima, na ihinto na ang investment cooperation sa ArcelorMittal Temirtau.
Sa pahayag ay sinabi ng gobyerno na isinasapinal na sana nito ang isang kasunduan upang i-nationalise ang kompanya, na nago-operate sa pinakamalaking steel mill ng bansa.
Noong isang buwan, sinabi ni First Deputy Prime Minister Roman Sklyar, na nakikipag-usap na ang Kazakhstan sa mga potensiyal na investors na maaaring mag-take over sa mill.
Aniya, hindi nasisiyahan ang gabinete sa kabiguan ng ArcelorMittal na tugunan ang kanilang investment obligations, magsagawa ng upgrading ng kanilang equipment at tiyakin ang kaligtasan ng mga manggagawa matapos ang isang serye ng grabeng mga aksidente.