Mahigit P2.4-M halaga ng mga furniture at souvenir na gawa sa endangered na Mangkono trees, nasabat ng NBI sa Surigao Del Sur
Sinalakay ng NBI-Environmental Crime Division ang 12 furniture at souvenir shops sa San Agustin, Surigao Del Sur dahil sa pagbebenta ng mga produktong gawa sa endangered na Mangkono trees.
Ayon sa NBI, nakatanggap ito ng sulat mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR)- CARAGA para humingi ng tulong sa pag-iimbestiga sa sinasabing illegal trading ng Mangkono finished products.
Nagsagawa ang mga tauhan ng NBI-EnCD ng surveillance operations sa 12 tindahan ng mga furniture at souvenir sa San Agustin kung saan naberipika na ang mga shop owners ay nagma-may-ari at may kontrol sa mga Mangkono lumber at flitches.
Sinabi ng NBI na gawa sa Mangkono wood ang lahat ng mga souvenir items at furniture at nakabili ang mga operatiba nito ng mga sample products.
Nag-isyu rin ang DENR-CARAGA ng sertipikasyon na ang mga sample items na nakuha at naibigay sa kanila ay gawa sa Mangkono na isang endangered species.
Dahil dito, naghain ng 12 search warrants ang NBI na pinagtibay naman ng Tag-San Miguel 3rd Municipal Circuit Trial Court.
Sa bisa ng warrant ay sinalakay ng NBI- EnCD, NBI-Agusan Del Sur District Office, DENR-CARAGA, lokal na pulisya at tropa ng militar ang mga tindahan kung saan nasabat ang Mangkono at Dipterocarps lumber, flitches, furniture, souvenir, at novelty items na nagkakahalaga ng mahigit P2.44 milyon.
Inihahanda na ng NBI ang paghahain ng reklamong paglabag sa RA 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act laban sa mga may-ari ng furniture shops.
Moira Encina