Maikling expiration date ng mga bakuna kontra COVID-19, ipinaliwanag ng DOH
Anim na buwan lamang ang pinakamatagal na expiration date ng mga bakuna laban sa COVID-19, subalit tiniyak ng Department of Health na walang dapat ipangamba dito ang publiko.
Ipinaliwanag ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na lahat naman ng mga bakuna kontra COVID-19 ay 6-months lamang ang pinakamatagal na expiration.
Dahil dito, may binuo aniyang mekanismo ang vaccine cluster ng gobyerno para masigurong ligtas at epektibo ang mga bakunang itinuturok sa publiko at hindi abutin ng expiration date.
Ipinaliwanag ni Vergeire na bago maideliver sa isang bansa ang bakuna ay marami rin itong pinagdadaanang proseso, bukod pa ang transportasyon kung kaya’t lalo pang umiikli ang panahon bago ang expiration date.
Inihalimbawa pa ni Vergeire ang 1.5 milyong COVID 19 vaccines ng Astrazeneca na mag eexpire sa Hunyo, habang ang iba pang doses ng Astrazeneca vaccines na dumating sa bansa ay sa Hulyo naman ang expiration date.
Hindi aniya ito dapat ikabahala dahil nananatili pa rin namang may bisa at ligtas ang nasabing mga bakuna.
Madz Moratillo