Makaraan ang dalawang taong pagsasara dahil sa pandemya, borders binuksan na ng Singapore
Ganap nang binuksan ng Singapore ang kanilang borders sa lahat ng bakunadong bisita, makaraan ang dalawang taong pagsasara dahil sa coronavirus.
Ang aviation hub, isang pangunahing gateway para sa mga taong nagpupunta sa Asya ay sumama na sa iba pang mga bansa sa rehiyon na kamakailan ay nag-alis na rin ng travel restrictions.
Una rito, tanging ang mga biyahero lamang mula sa iilang lugar ang pinapayagang makapasok sa Singapore nang hindi na nagku-quarantine, nguni’t simula nitong Biyernes lahat ng darating na ganap nang bakunado ay kailangan na lamang magpakita ng isang negative Covid test.
Ganap na rin nagbukas ng kanilang borders nitong Biyernes ang Malaysia, at libu-libong mga sasakyan at motorsiklo ang pumuno sa isang kilometrong causeway, na naghihiwalay sa Malaysia at Singapore.
Ang naturang causeway, na isa sa pinaka abalang land borders sa buong mundo, ay bahagya nang nagbukas noong isang taon bagama’t nagpatupad pa rin ng ilang restriksiyon.
Dati ay bawal ang mga turistang pumasok sa Malaysia, isang sikat na destinasyon dahil sa kanilang white-sand beaches at mayabong na mga kagubatan, nguni’t ngayon ay isang negative Covid test na lamang ang kanilang kakailanganin.
Ayon kay Bo Lingam, group CEO ng pangunahing regional carrier na AirAsia na nakabase sa Malaysia . . . “The reopening of borders is ‘a joy for me and our AirAsia staff who had to face a lot of hardship during the pandemic. From today, it is all about flying the blue skies and an end to our planes sitting on the tarmac.”