Makaraang mabigo na maabot ang 5M target sa 3rd national vaccination drive, estratehiya, pag-aaralan at rerebisahin ng gobyerno
Pag-aaralan ng Philippine government kung anong estratehiya ang susunod na gagawin upang makumbinsi ang mga hindi pa bakunadong miyembro ng populasyon, para magpabakuna na laban sa Covid-19.
Ito ay matapos mabigo ang pamahalaan na maabot ang target na mabakunahan ang limang milyong katao, sa ikatlong kampanya ng national vaccination na tinawag na “Bayanihan Bakunahan,” kahit na ipinalawig pa ito hanggang noong Biyernes, February 18.
Sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje, na 3.447 million lamang ang nabakunahan sa February 10 to 18 “Bayanihan, Bakunahan” o 68.94 percent ng limang milyong target.
Dahil dito, sinabi ng Department of Health (DOH) na rerebisahin nila ang kanilang estratehiya.
Ayon kay Cabotaje . . . “Magpapalit tayo ng mga strategies, iyong iba naman ay pag-iibayuhin natin iyong ating adbokasiya kasi alam naman natin na iyong iba ay hirap nang makumbinsi.”
Sinabi ni Cabotaje, chairperson ng National Vaccination Operations Center (NVOC), na mas ilalapit pa nila ang vaccination sites sa kanilang target population sa mga lugar na may mababang vaccination rates.
Paliwanag niya . . . “Palalapitin na natin iyong ating mga bakuna centers sa mga mamamayan. Hindi kagaya noon na pinupuntahan iyong mga malalaking vaxx site, hindi na sila pumupunta sa mga vaccination sites. So kailangang ilapit na iyong mga bakuna centers sa kung saan marami ang mababakunahan.”
Sinabi pa ng opisyal, na magpo-pokus din sila sa mga grupo at mga populasyon na hindi pa nakukumbinsing magpabakuna dahil sa kanilang cultural at religious beliefs.
Aniya, magkakaroon sila ng “focused targets” – para sa senior citizens na nahihirapang magpunta sa vaccination sites; at para sa mga gupo sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at sa bahaging norte na nag-aalangan pang magpabakuna dahil sa kanilang cultural at religious beliefs.
Wika ni Cabotaje . . . “Pero siguro maghanap pa tayo ng iba pang paraan makumbinsi natin na… tama kayo, focused target sa isa sa isang problema natin sa mga ayaw magpabakuna na senior ay nasa … iyong sa BARMM tapos some of the cultural dito sa north, kasi may mga cultural and religious beliefs. So, yes, we will work more closely with all the senior citizen groups para ma-focus natin ngayon kung sino talaga ang kailangang area na bigyan ng pansin.”
Sinabi rin nito na mayroon pang nasa 2.4 million senior citizens na hindi pa nababakunahan. Ito aniya ay kritikal dahil ang elderly population ang pinakalantad at pinakananganganib na sektor sa bansa.
Ayon kay Cabotaje . . . “Kung sila ay nagkasakit, sila mag-o-occupy ng ating mga ospital; sila ang magkakaroon ng serious disease, tapos sila ang malaki ang risk na mamatay.
Para mabakunahan ang mas maraming populasyon sa mga lalawigan at mga lugar kung saan nakararami ang Muslim, plano ng DOH na tingnan ang mga estratehiyang ginamit ng Muslim-majority countries gaya ng Saudi Arabia, United Arab Emirates, Malaysia at Indonesia na may mataas na vaccination rates.
Wika ni Cabotaje . . . “Ang sinasabi nila, may hesitancy, may religious beliefs ‘no pero ang sabi naman namin: Kung ang Malaysia at Indonesia na Muslim countries eh mataas iyong bakunahan, ano pa kaya ang puwede pang gawin sa BARMM? So, we are looking at sharing experiences. Ano ba ang ginawa sa Malaysia at saka sa Indonesia na nagkumbinsi sa ating mga mamamayan na magpabakuna?”
Ayon sa DOH official, nakikipag-usap na sila sa Muslim imams at iba pang BARMM officials upang makahanap ng mga paraan na makumbinsi ang mas maraming populasyon sa Muslim-dominated provinces sa bansa, upang makapagpabakuna.
Aniya . . . “Pinakamataas na bakuna Kingdom of Saudi Arabi at UAE yata. So, these are Muslim countries, so, baka hindi totoo iyong religious beliefs. Baka may kailangan pang gawin ‘no. We have been talking with the Imams, we have been talking with the … iyong Minister of Health, iyong ating mga officials ng BARMM, iyong mga local chief executives.”
Dagdag pa ni Cabotaje . . . “We help one another. Magtingin pa tayo kung ano pa iyong puwede nating gawin para mapataas iyong pagbabakuna sa ating mga Muslim areas.”