Makati RTC Branch 150, hindi rin nagpalabas ng alias Warrant of Arrest at HDO laban kay Trillanes para sa kasong rebelyon; mga Partido, pinagkukomento
Hindi rin nagpalabas ang isa pang sangay ng korte sa Makati City ng alias Warrant of Arrest at Hold Departure Order laban kay Senador Antonio Trillanes para naman sa kasong rebelyon.
Sa pagdinig ng Makati RTC Branch 150, binigyan ni Judge Elmo Alameda ang kampo ng DOJ o ng prosekusyon ng limang araw para maghain ng reply sa komento at oposisyon ni Trillanes sa hiling na ipaaresto at pigilan itong makaalis ng bansa.
Mayroon ding limang araw ang kampo ng senador para maghain ng rejoinder o sagot sa reply ng DOJ.
Kapag naisumite na ang mga hinihinging tugon ay idideklarang submitted for resolution na ang mosyon ng DOJ.
Ang kasong rebelyon laban kay Trillanes ay kaugnay sa Manila Peninsula Siege.
Una rito ay hindi rin muna naglabas ng desisyon ang Makati RTC Branch 148 sa mosyon ng DOJ na arrest warrant at HDO laban kay Trillanes para sa kasong kudeta.
Ulat ni Moira Encina