Malacañang nakaabang din kung paano uumpisahan ang Special Session sa mababang kapulungan ng Kongreso dahil sa agawan sa Speakership
Palaisipan din sa Malakanyang kung papaano bubuksan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Special Session na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque , tiyak na magkakaroon ng problema sa pagbubukas ng session sa Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil kapuwa inaangkin ngayon nina Alan Peter Cayetano at Lord Allan Velasco ang pagiging Speaker.
Ayon kay Roque, nangangamba ang Malakanyang na masasayang ang panahon sa Special Session na kaya ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte ay para pagtibayin ang 2021 national budget na nagkakahalaga ng 4.5 trilyong piso upang hindi humantong ang pamahalaan sa paggamit ng re-enacted budget.
Inihayag ni Ruque, dapat isantabi muna ng mga kongresista ang kanilang personal na interes at unahin ang kapakanan ng publiko lalo na ang national budget na gagamitin ng pamahalaan sa pagtugon sa problemang dulot ng pandemya ng covid 19.
Dahil dito nanawagan si Roque sa mga kongresista na naniniwala sa adhikain ni Pangulong Duterte na sundin ang pakiusap ng Presidente na ipasa muna ang national budget at saka pag-usapan ang gulo sa liderato ng Mababang Kapalungan ng Kongreso.
Vic Somintac