Malacañang sa Mall at Tiangge operators: Mahigpit na ipatupad ang standard health protocols
Pinaalalahanan ng Malakanyang ang mga Mall at Tiangge operators na ipatupad nang buong higpit ang standard health protocols.
Ginawa ng Palasyo ang pahayag dahil sa mga napaulat na hindi nasusunod ang social distancing sa mga Mall at Tiangge partikular sa Divisoria na dinadagsa ng tao lalo na ngayong papalapit ang holiday season.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na may karapatan ang pamahalaan sa pamamagitan ng Inter Agency Task Force o IATF na ipasara o ipatigil ang operasyon ng Mall o Tiangge na lumalabag sa standard health protocols.
Ayon kay Roque malinaw ang patakarang inilatag ng IATF sa pagbubukas ng mga Mall at Tiangge o sale promo nitong holiday season ay para mabuhay ang ekonomiya subalit dapat isaalang-alang ang pag-iingat sa buhay kaya inilagda ang mga kaukulang standard health protocols na magsuot ng face mask, face shield, maghugas ng kamay at mag-social distancing.
Inihayag ni Roque na pinaghahandaan na rin ng Department of Health (DOH) ang post holiday effect ng COVID-19 dahil posibleng tumaas ang kaso ng corona virus pagkatapos ng selebrasyon ng holiday season hanggang sa pagsalubong sa bagong taon.
Vic Somintac