Malakanyang, dumistansya sa kaso ni dating Pangulong Aquino sa Comelec sa isyu ng Dengvaxia
Tumanggi ang Malakanyang na magbigay ng komento sa kasong kinakaharap ni dating Pangulong Noynoy Aquino sa Commission on Elections o COMELEC kaugnay ng kontrobersiya sa Dengvaxia anti-dengue vaccine.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na may kaugnayan sa paglabag sa Omnibus Election Code ang kaso ni dating Pangulong Aquino at walang karapatan ang executive department na magbigay ng anumang komento dahil ito ay hurisdiksyon ng Poll body.
Ayon kay Roque ipinauubaya ng Malakanyang sa COMELEC ang disposisyon sa kaso ni dating Pangulong Aquino at anuman ang maging desisyon ng Poll body ay igagalang ng Executive department.
Si dating Pangulong Aquino ay humarap sa COMELEC para sagutin ang kasong iniharap laban sa kanya kaugnay ng paglabag sa Omnibus Election Code dahil noong bilhin umano ang Dengvaxia anti-dengue vaccine ay sakop ng Election ban noong 2016.
Ulat ni Vic Somintac