Malakanyang dumistansya sa pagbuhay ng CHACHA sa dalawang kapulungan ng Kongreso
Hindi kailangan ang pahintulot ni Pangulong Rodrigo Duterte para muling isulong ang Charter Change o CHACHA sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at Senado.
Ito ang sagot ng Malakanyang sa mga nag-aakusa na mayroon umanong kumpas si Pangulong Duterte sa kanyang mga kaalyadong mambabatas kaya binuhay ang planong pag-amyenda sa Saligang Batas.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na ang CHACHA ay Constitutional duty ng mga mambabatas sa dalawang kapulungan ng kongreso at walang pakialam ang executive department.
Ayon kay Roque tsimis at walang katotohanan ang paratang na may plano si Pangulong Duterte na palawigin ang kanyang termino kaya isinusulong ang CHACA.
Inihayag ni Roque hindi pagkakaabalahan ni Pangulong Duterte ang CHACHA dahil nakatutok ang pamahalaan sa pagharap sa problema sa pandemya ng COVID 19 lalo na ang pagsasakatuparan ng mass vaccination roadmap ng gobyerno.
Niliwanag ni Roque anumang desisyon ng mga mambabatas sa pagbabago sa konstitusyon ay sarili nilang inisyatiba at igagalang ng Malakanyang bilang pagkilala sa prinsipyo ng separation of power.
Vic Somintac