Malakanyang hindi hangad na titigil si Senador Antonio Trillanes sa pagbanat kay Pangulong Duterte
Hindi na umasa ang Malakanyang na tatahimik si Senador Antonio Trillanes sa kababatikos kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang tugon ng malakanyang sa pamamagitan ni Presidential spokesman Harry Roque sa pahayag ni Trillanes na hindi siya kayang patahimikin ng administrasyon sa pamamagitan ng legal harassment.
Sinabi ni Secretary Roque na ginagawa ng Malakanyang ang tamang paglalapat ng hustisya.
Ayon kay Roque dapat harapin ni Trillanes ang kaso na kanyang ginawa laban sa pamahalaan inihayag ni Roque na nagawang takasan ni Trillanes ang parusa sa kasong rebelyon at kudeta dahil malakas siya sa nakaupong Pangulo noon at binigyan siya ng amnestiya.
Niliwanag ni Roque sa kabila ng pagkatig ng hukuman na ligal ang Proclamation 572 na nagpawalang bisa sa amnestiya ni Trillanes ay nais pa rin ni Pangulong Duterte na idaan sa legal na hakbang ang paghahabol kay Trillanes para mapanagot sa kasong rebelyon at kudeta.
Ulat ni Vic Somintac