Malakanyang kokunsultahin ang Department of finance at BIR kaugnay ng P 203 billion unpaid estate taxes ng pamilya Marcos
Hindi basta basta maglalabas ng posisyon ang Malakanyang kaugnay ng sinasabing P203 billion pesos unpaid estate taxes ng pamilya Marcos.
Sinabi ni Acting Presidential Spokesman Secretary Martin Andanar mas mabuting makausap muna ng Palasyo sina Finance Secretary Carlos Dominguez at BIR Commissioner Cesar Dulay tungkol sa sinasabing utang na buwis ng pamilya Marcos sa gobyerno.
Ayon kay Andanar,iniiwasan ng administrasyon na mahaluan ng politika ang isyu lalot ang nasasangkot ay kabilang na tumatakbo sa halalang pampanguluhan sa Mayo sa katauhan ni dating Senador Bongbong Marcos.
Inihayag ni Andanar na mas mabuting magkaroon muna ng kalinawan sa isyu dahil iginigiit ng pamilya Marcos na fake news ang umanoy unpaid taxes.
Niliwanag ni Andanar bagamat patuloy na naghahanap ang Malakanyang ng pondo para gamitin sa targeted relief assistance ng pamahalaan hindi nababanggit sa meeting ng cabinet economic cluster ang ukol sa sinasabing 203 bilyong pisong atraso ng pamilya Marcos sa BIR.
Vic Somintac