Malakanyang kumpiyansang hindi aabot sa muling pagpapatupad ng enhanced community quarantine ang paglobo ng COVID-19 cases sa bansa
Naniniwala ang Malakanyang na hindi na aabot sa muling pagpapatupad ng total lockdown sa bansa para makontrol ang pagdami ng kaso ng COVID 19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na totoong mayroong pagtaas sa kaso ng COVID 19 sa nakalipas na mga araw subalit ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng hakbang para ito ay mapababa.
Ayon kay Roque katulong na ng national government ang mga Local Government Units o LGU’S sa pagkontrol sa kaso ng COVID 19 upang hindi na umabot sa kritikal na lebel ang health care response capacity ng bansa.
Naniniwala si Roque na unti-unting bababa ang kaso ng COVID- 19 dahil sa pagpapatupad ng granular lockdown ng mga LGU’S sa kanilang nasasakupan na may naitalang mataas na kaso ng corona virus ganun din ang pagpapatupad ng unified curfew hours sa Metro Manila.
Inihayag ni Roque kung sakaling patuloy na tataas pa ang kaso ng COVID 19 hanggang sa katapusan ng buwan ng Marso ay mapipilitan ang pamahalaan na magpatupad ng mas mahigpit na quarantine protocol.
Vic Somintac