Malakanyang, kumpiyansang maaabot ang population protection laban sa Covid-19 sa NCR sa Oktubre
Tiwala ang Malakanyang na kayang maabot ang population protection laban sa COVID 19 sa National Capital Region o NCR sa buwan ng Oktubre.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque sa ngayon ay nasa 43 percent na ng populasyon ng NCR ang nakatanggap na ng anti-COVID 19 vaccine.
Ayon kay Roque kulang na lang ng 7 percent para makuha ang 50 percent threshold ng bakunadong populasyon upang makamit ang population protection sa NCR.
Inihayag ni Roque na sapat na rin ang suplay ng anti-COVID-19 vaccine na hawak ng pamahalaan upang mabukunahan ang buong populasyon ng NCR dahil sa patuloy na pagdating ng supply ng bakuna na donasyon at binili ng gobyerno.
Niliwanag ni Roque sa ngayon ay inumpisahan na ng National Task Force o NTF ang pagdaragdag ng anti COVID 19 vaccine allocation sa iba pang rehiyon ng bansa para mapabilis ang vaccination rollout ng gobyerno upang makontrol na ang paglaganap ng Coronavirus.
Vic Somintac