Malakanyang naghahanap ng dagdag na pondo ng OWWA para sa mga umuuwing OFWs
Naghahanap ng karagdagang pondo ang Department of Budget and Management o DBM para sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na tinitingnan ni Budget Secretary Wendel Avizado kung saan huhugot ng pondo para ayudahan ang OWWA na paubos na ang budget.
Ayon kay Roque, ipinarating na ni OWWA Administrator Hans Cacdac sa Malakanyang na ang natitirang pondo ng kanyang ahensiya ay nasa 1.4 bilyong piso at tatagal lamang ito hanggang sa kalagitnaan ng susunod na buwan ng Mayo.
Inihayag ni Roque naghahanap ang DBM ng karagdagang 9.8 bilyong piso para idagdag sa pondo ng OWWA na kakailanganin para sa mga umuuwing Overseas Filipino Workers o OFWS ngayong panahon ng pandemya ng COVID 19.
Maliban sa hotel accommodations ng mga umuuwing OFWS para sa kanilang quarantine sagot din ng OWWA ang transportation at meal expenses ganun din ang kanilang medical check up kasama ang RT PCR swab test.
Vic Somintac