Malakanyang naghihintay din kung i-iendorso ni Pangulong Duterte si Dating Senador Bongbong Marcos sa joint campaign rally ng PDP -laban at Uniteam
Nakaabang din ang Malakanyang kung i-iendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Senador Bongbong Marcos sa isasagawang joint campaign rally ng ruling party PDP Laban at Uniteam.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Martin Andanar na wala pang sinasabi si Pangulong Duterte kung sa huling yugto ng kampanya ay iaanunsiyo niya ang kanyang manok sa halalang pampanguluhan sa Mayo.
Ayon kay Andanar bagamat sa ngayon ay neutral ang Pangulo malinaw ang mga naunang pahayag ng Chief Executive na kung hinihingi ng pagkakataon ay ihahayag niya sa publiko ang kanyang susuportahan na kandidato sa pagka-presidente.
Inihayag ni Andanar, isinasapinal pa ang petsa at lugar kaya abangan na lamang ng taongbayan kung ano ang mangyayari sa pagdalo ng Pangulo sa joint campaign rally ng PDP Laban at Uniteam nina BBM at Davao City Mayor Sarah Duterte na tumatakbo sa pagka-Bise Presidente.
Magugunitang nauna ng inindorso ng ruling party PDP Laban ang tambalang Bongbong Marcos at Sarah Duterte ng Uniteam.
Vic Somintac