Malakanyang naglabas ng 451 million pesos na dagdag pondo para sa special risk allowance ng mga health care worker
Naglabas ng 451.31 milyong pisong karagdagagang pondo ang Malakanyang para mabayaran ang Special Risk Allowance o SRA ng mga Health Care Workers sa bansa.
Batay sa statement na inilabas ng Department of Budget and Management o DBM ang pondo ay hinugot sa Contingent Fund at Miscellaneous Personnel Benefits Fund ng 2021 National Budget.
Sinabi ng DBM ang dagdag na pondo ay pakikinabangan ng 499,116 na mga Health Care Workers para sa kanilang limang libong Special Risk Allowance kada buwan.
Inihayag ng DBM na mayroon ng kabuuang 8.23 bilyong pisong pondo ang naipapalabas para sa Special Risk Allowance ng mga Health Care Workers na humaharap sa pandemya ng COVID-19.
Ang Special Risk Allowance ng mga Health Care Workers ay karagdagang benepisyo mula sa pamahalaan maliban sa umiiral na kompensasyon sa ilalim ng Magna Carta of Public Health Workers sa bansa.
Vic Somintac