Malakanyang, nais muling buksan ang sesyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso at sundin ang Legislative calendar upang mapagtibay ang 2021 National Budget
Gusto ng Malakanyang na sundin ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang itinakdang legislative calendar na sa October 18 pa dapat mag-adjourn ang session at bumalik sa kanilang trabaho ang mga Kongresista para pagtibayin sa ikatlong pagbasa ang 2021 proposed National Budget na nagkakahalaga ng 4.5 trilyong piso.
Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Alexi Nograles na hindi nagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ginawang maagang pagsuspinde ni Speaker Alan Peter Cayetano ng session noong October 6 at ibinitin sa second reading ang National Budget.
Ayon kay Nograles, ang ginawa ni Cayetano na iantala hanggang November 16 ang pagpapatibay sa National Budget sa third reading ay ikinagalit ng Pangulo kaya siya nagbigay ng babala sa Kongreso na ayusin ang kanilang trabaho.
Inihayag ni Nograles malinaw ang mensahe ng Pangulo na kung hindi kayang tapusin ng Kongreso ang pagpapatibay sa National Budget ay siya ang gagawa ng paraan dahil hindi makatuwiran na gumamit ang pamahalaan ng reenacted budget sa gitna ng pagharap sa Pandemya ng Covid-19.
Hinihinala na kaya maagang sinuspinde ni Speaker Cayetano ang sesyon ng Kamara para hindi maisakatuparan ang term sharing agreement kay Marinduque Congressman Lord Allan Velasco na sa October 14 dapat magaganap ang pagpapalit ng liderato sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ang pagbitin ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa second reading sa budget ay ikinagagalit din ng Senado dahil kakapusin na sa panahon ang mga senador sa pagbusisi sa Pambansang budget.
Vic Somintac