Malakanyang nakahanap na ng pondo para sa financial assistance sa NCR kaugnay ng 2 linggong ECQ
Mayroon ng paghuhugutan ang Malakanyang ng pondo na gagamitin para sa financial assistance sa National Capital Region o NCR na isasailalim sa Enhanced Community Quarantine o ECQ na magsisimula sa August 6 hanggang August 20.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na may direktiba na si Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Budget and Management o DBM na kunin ang savings ng mga ahensiya ng gobyerno na nasa ilalim ng Executive Department para pondohan ang financial assistance na ibibigay sa mga naninirahan sa NCR.
Ayon kay Roque, aabot sa 13.1 bilyong pisong pondo ang kakailanganin para mabigyan ng finacial assistance ang may 10.7 milyong indibiduwal na kumakatawan sa 80 porsiyento ng mga naninirahan sa NCR.
Inihayag ni Roque makakatanggap ng tig-isang libong piso ang bawat kuwalipiladong residente ng NCR at hindi lalagpas sa apat na libong piso ang bawat sambahayan na kuwalipikado sa financial assistance.
Vic Somintac