Malakanyang naniniwalang nasa Marawi City pa si Abu Sayaff Leader Isnilon Hapilon
Kinontra ng Malakanyang ang kumakalat na balita na nakatakas na palabas ng Marawi City si Abu Sayaff Leader Isnilon Hapilon.
Sa regular na Mindanao Hour na ginanap sa Davao City sinabi ni Brigadier General Gilbert Gapay Martial Law Spokesman for Eastern Minadanao Command na walang intelligence report silang natatanggap na wala na sa Marawi City si Hapilon na siyang tumatayong Emir ng ISIS sa Southeast Asia.
Ayon kay General Gapay ang kanilang nakalap na impormasyon may ilang miyembro ng teroristang Maute group ang nakalabas ng Marawi City bago at sa kasagsagan ng bakbakan.
Kaugnay nito umapela ang militar sa publiko na makipagtulungan sa mga otoridad sa pagbibigay ng impormasyon para maaresto ang mga terorista lalo na ngayong nailabas na ang pangalan ng mga suspek sa pamamagitan ng arrest order mula kay Defense Secretary Delfin Lorenzana na tumatayong Martial Law administrator sa Mindanao.
Ulat ni: Vic Somintac