Malakanyang, pag-aaralan pa kung hihigpitan ang Quarantine protocol matapos mapasok ang bansa ng UK variant ng Covid-19
Isinasailalim sa monitoring ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang sitwasyon ng bansa matapos makapasok ang United Kingdom variant ng COVID 19.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, kada 30 araw o isang buwan ang ginagawang assessment ng IATF para sa pagbabago sa ipinatutupad na Quarantine protocol sa bansa.
Ayon kay Roque, nananatili ang patakaran ng IATF na ibinabatay sa 2-week attack rate ng Covid-19 at critical health capacity ng mga hospital ang pagpapasya kung anong Quarantine protocol ang ipatutupad.
Inihayag ni Roque kasalukuyan pang kinakalap ang mga datos ng Department of Health (DOH) sa pagdami ng kaso ng COVID 19 kada araw para malaman kung nagkakaroon ng spike matapos ang holiday season at ang epekto ng United Kingdom variant.
Niliwanag ni Roque ang kailangan lamang ay sumunod ang publiko sa ipinatutupad na Standard health protocol na Mask, Hugas, Iwas upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 habang hinihintay ang pagdating ng bakuna.
Vic Somintac