Malakanyang pinasalamatan ang US government sa pagbibigay ng 730 million pesos na tulong pinansiyal para sa Marawi rehabilitation
Nagpaabot ng pasasalamat ang Malakanyang sa US government dahil sa tulong pinansiyal na ibinigay para sa pagbangon ng Marawi City.
Sa statement na inilabas ni Presidential Spokesman Ernesto Abella malaking tulong ang ibinigay ng US na umaabot sa 730 milyong piso.
Ayon kay Abella batid ng mga kaalyadong bansa kung gaano kalawak ang pinsalang nilikha ng rebelyon na kagagawan ng ISIS inspired Maute terrorist group.
Inihayag ni Abella hindi maibabalik ang Marawi City sa loob ng maikling panahon lamang.
Iginiit ni Abella na hindi iiwan ng pamahalaan ang Marawi City hanggang sa ito ay makabangon sa pagkawasak dulot ng digmaan gaya ng ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ulat ni: Vic Somintac