Malakanyang, tiniyak na walang Government employee na mawawalan ng trabaho ngayong Pandemya
Siniguro ng Malakanyang na walang magaganap na pagbabawas sa mga empleyado ng gobyerno sa gitna ng Covid-19 Pandemic.
Sinabi ni Budget Secretary Wendel Avisado na may sapat na pondo para pampasuweldo sa mga kawani ng pamahalaan.
Inihayag ni Avisado ang kailangan lamang ay gampanan ng bawat empleyado ng gobyerno ang kanilang trabaho para maibigay sa taumbayan ang kaukulang serbisyo mula sa pamahalaan.
Malabo din aniyang magkaroon ng total shutdown sa bawat ahensya ng pamahalaan sa panahon ng Pandemya dahil nagpapatupad ang gobyerno ng 50 percent work force upang kung mayroong tamaan ng virus ay may papalit sa trabaho na dapat gampanan.
Niliwanag ni Avisado na kahit 50 percent ang working force sa mga tanggapan ng gobyerno ay tumatanggap din ng sahod ang 50 percent na reserbang mga kawani.
Tiniyak din ni Avisado na naibibigay ang kaukulang serbisyo sa publiko ng mga kawani ng pamahalaan dahil mayroong working arrangement na ginawa ang mga Department heads ng bawat ahensya sa pamamagitan ng work from home scheme.
Vic Somintac