Malakanyang, tiwalang mapagtitibay ang 2021 proposed National Budget sa huling araw ng Special session
Kumpiyansa ang Malakanyang na mapagtitibay na sa third and final reading ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang 2021 proposed national budget na nagkakahalaga ng 4.5 trilyong piso sa huling araw ng special session.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na pinanghahawakan ng Malakanyang ang pangako ni House Speaker Lord Allan Velasco na tatapusin ng mga Kongresista ang pagpapatibay sa National budget sa loob ng tatlong araw na special session na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagsimula noong October 13 at matatapos ngayong October 16 sa pamamagitan ng Proclamation No.1027.
Ayon kay Roque, umaasa si Pangulong Duterte na hindi siya bibiguin ng kanyang mga kaalyadong Kongresista para makalusot na ang panukalang pambansang pondo at maipadala na sa Senado.
Inihayag ni Roque na batid ng mga mambabatas ang kahalagahan ng 2021 National budget dahil nakapaloob dito ang pondo na gagamitin sa patuloy na pagtugon ng pamahalaan sa epekto ng Pandemya ng Covid-19 sa bansa.
Vic Somintac