Malakanyang umaasang final lockdown na ang ECQ sa NCR simula August 6 hanggang 20
Tiwala ang Malakanyang na ang pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine o ECQ sa National Capital Region o NCR na magsisimula sa August 6 hanggang August 20 ay final lockdown na kontra COVID 19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na sa ikatlong pagkakataon mula ng manalasa sa bansa ang pandemya ng COVID 19 ay isasailalim sa ECQ ang Metro Manila para makontrol ang paglaganap ng Delta variant na mas nakakahawa at nakamamatay.
Ayon kay Roque, sana ito na ang huling pagkakataon na isailalim sa ECQ ang NCR dahil patuloy na dumarami ang bilang ng mga nababakunahan laban sa COVID 19.
Inihayag ni Roque na sa loob ng dalawang linggong nasa ECQ ang Metro Manila ay karagdagang apat na milyon ang mababakunahan sa NCR upang mapabilis ang pagkakamit ng population protection.
Umaasa ang Malakanyang na makakamit parin ang inaasam na population protection sa bansa bago matapos ang taon dahil patuloy na dumarating ang mga binili at donasyong anti COVID 19 vaccine.
Vic Somintac