Malakanyang umaasang kontrolado parin ang Indian Variant ng COVID-19 na nakapasok sa bansa
Tiwala parin ang Malakanyang na wala pang nagaganap na community transmission ng Indian variant ng COVID 19 na nakapasok na sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Roque batay sa report ng Department of Health o DOH ang dalawang Overseas Filipino Workers o OFWS na nagpositibo sa Indian variant ng COVID 19 ay agad na naisailalim sa quarantine procedure noong dumating ang mga ito sa Pilipinas.
Ayon kay Roque gumaling narin ang dalawang nagpositibo sa Indian variant ng COVID 19 at nakauwi na sa kanilang pamilya.
Inihayag ni Roque hindi dapat na magluwag sa ipinatutupad na health protocol sa mga dumarating na mga filipino na galing sa ibang bansa dahil lubhang mapanganib at mabilis na nakakahawa ang Indian variant ng COVID 19.
Batay sa record walang travel history sa India ang dalawang pinoy na nagpositibo sa Indian variant ng COVID 19 dahil ang unang kaso ay galing ng Oman samantalang ang ikalawang kaso ay galing ng United Arab Emirates.
Niliwanag ni Roque na mahigpit na ipinatutupad ng Bureau of Immigration ang agarang pagsasailalim sa 14 day quarantine period sa lahat ng mga pinahihintulutang inbound passengers na makapasok sa bansa at obligado na isailalim ang mga ito sa RT PCR swab test sa ika-pitong araw upang matukoy kung sila ay positibo sa COVID 19 at ang kanilang specimen ay ipadadala sa Philippine Genome Center para matukoy kung anong variant ng COVID 19 ang tumama.
Vic Somintac